Panahon ng pagtulong

“… Ako’y inyong pinakain noong Ako’y nagugutom; Ako’y inyong pinainom noong Ako’y nauuhaw. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy.  Ako’y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.
“… `Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa … pinakahamak, Ako ang inyong tinulungan.’” (Mateo 25:35,36,40)
Ito ang mensahe ng ating Panginoon sa mga taong nag-aabot ng tulong sa higit na nangangailangan nilang kapwa.
TULONG.  Kung mayroong mang isang umaalingawngaw na pagtaghoy ngayon ang minamahal nating sambayanang Pilipino, ito ay ang taimtim na pagsusumamo para sa ating sama-samang maagap at nagkaka-isang pagtulong sa lahat at bawat biktima ng nakalipas na mga Bagyong Ondoy at Pepeng.

Hindi kayang isalita ang nakapangingilabot na mga larawan ng pinsalang nilikha ng bagyong maituturing na isa sa pinakamapanganib sa kasaysayan ng Pilipinas. Dahil nagbabago sa bawat araw ang istadistika, pinakasimpleng sabihin na lamang na sa pagtaya ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, umabot na sa milyun-milyong katao ang naapektuhan ng nasabing mga kalamidad, daan-daang tao naman ang naitalang nasawi, daang tao rin ang patuloy na nawawala, habang bilyong piso naman ang napinsala sa kabuhayan at agrikultura. Dahil dito’y pinangangambahan ang higit na pagbagal pa nang mabagal ng pag-usad ng ating ekonomiya.

Napakalaki ng pagsubok. Napakalaki ng pangangailangan. At napakalaki rin ng pagkakataon upang maabot natin ang bawat pamilyang halos ay panawan na ng pag-asa. Tunay na napakalaki ng oportunidad natin upang maipa-alam sa kanilang may nakaririnig sa kanilang paghihinagpis.

May takdang panahon at tamang rason para sa lahat ng nagaganap sa daigdig. Ang panahon natin ngayon ay humahamon sa atin upang magbigay at magsakripisyo, manik-luhod at mag-abot ng  kamay, manalangin at kumilos para sa kapakanan ng ating kapwa.

Ang OPLAN PAG-ASA ay ipinanganak noong kasagsagan ng pagbayo ng Bagyong Ondoy sa bansa. Ito ang tugon ng Jesus Is Lord Church Worldwide Movement, sa pamamagitan ng ating iCare Compassion Ministry, upang maghandog ng tulong sa mga nangangailangan nating kababayan.

Bilang pasimula’y nakapagbahagi na tayo ng tulong sa ilang mga apektadong lugar sa Cainta, Marikina, Pasig, Rizal, Quezon City, Valezuela, at Bulacan. At tulad ng nasabi ko, ito’y pasimula lamang. Dahil habang tumatakbo ang oras, dumarami rin ang naghihintay ng ating tulong at paglingap.

Isang oportunidad na rin ito upang makapagbukas ng puso at maipamanhik sa ating mga kababayan sa iba’t ibang panig ng mundo ang patuloy na pakikibahagi sa ating OPLAN PAG-ASA.  Anuman ang maipagkakaloob na tulong (pinansyal, materyal o serbisyo) ay marami ang maaabot at malayo ang mararating.  

Alang-alang sa mga kababayan natin na ni hindi pa makapagsimulang muli, nawa’y sama-sama nating matugunan ang kanilang paghingi ng tulong. Maaari tayong makipag-ugnayan sa pinakamalapit na JIL Church sa ating lugar o bumisita sa www.jilworldwide.org para sa mga detalye ng iCare Compassion Ministries.

Paligayahin natin ang puso ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapaligaya natin sa mga nagdadalamhati nating kababayan.

Pagpalain tayong lahat ng Makapangyarihang Diyos – ang Panginoon ng ating pag-asa! Manalig lamang tayo sa Kanya. Tumugon nang tama sa bawat hamon ng buhay. At babangon din ang bagong Pilipinas!

Posted on October 27, 2009

 

About JIL Hong Kong

The Blazed of revival reached the island of Hong Kong in May 1985. It was then that Bro. Eddie and Sis. Dory held a crusade in this land. Despite hindrances and oppositions,Bro. Eddie was unfazed and boldly preached the Gospel to Filipinos that converged in central. More...

Latest Gallery Updates

  • HK Pastors Encounter Retreat
  • Wanchai District Christmas Party
  • Area 2 Goes Trio Beach
  • Area 2 Leaders Christmas Party
  • Discovery Bay Photos