BAGONG SIMULA SA 2010

Sa isang bansang tulad ng Pilipinas na dumanas ng sunud-sunod na kalamidad, hindi maikakaila na lubhang kailangan natin ang isang bagong simula.  At ang mga hamon sa Pilipino ay hindi natatapos sa bakuran lamang ng Pilipinas. Kasama sa humaharap ng mga bagong hamon ay ang may walo hanggang sampung milyong Pilipinong nakikipagsapalaran ngayon sa ibayong dagat.

Ayon sa pinakahuling datos mula sa Philippine Overseas and Employment Administration, kumpara noong 2008, sa kubuuan ay tumaas nang may 11.7 porsyento nitong 2009 ang bilang ng mga lumabas ng Pilipinas upang magtrabaho sa ibang bansa.  Pangunahing destinasyon pa rin ang Saudi Arabia, sinundan ng United Arab Emirates, at pinangatluhan ng Hong Kong kung saan napiling mamasukan ng may 75,742 manggagawang Pinoy.  

Sinimulan ko nang mahusay ang 2010 kapiling ang itinuturing ko na ring kapamilya sa Hong Kong, sila ang ating mga OFWs.  Napakalapit nila sa puso ko dahil mulat ako sa mga paghihirap na kanilang nararanasan. 

Isang shelter ang ating ibinukas sa Hong Kong may 20 taon na ang nakalilipas. Ang Jesus Is Lord (JIL) Shelter ay bukas sa lahat ng OFWs na nangangailangan ng tulong sa Hong Kong.  Walang patid ang ating serbisyo sa kanila, partikular sa mga may kinakaharap na problemang legal.  Sa kasalukuyan ay may 20 OFWs na nanunuluyan sa JIL Shelter at sila’y ating lubos na kinakalinga.

Isa sa mga kinupkop sa JIL Shelter ay 26-anyos na certified public accountant (CPA) sa Pilipinas. Bagamat CPA, namasukan siyang domestic helper sa Hong Kong. Katwiran niya, gagamitin niya ang experience upang madaling makasunod sa Ate niya na nasa Canada naman. Sa kasamaang-palad, isang linggo pa lamang siya sa kanyang paninilbihan ay pinagbintangan siya ng kanyang amo na nagnakaw ng pajama nito; siya ay ipina-aresto at ipinakulong. Sa kanyang kalunus-lunos na kalagayan ay sumaklolo sa kanya ang JIL. Bukod sa pagkupkop sa kanya sa JIL Shelter, tinulungan din syang magsampa ng kontra-demanda hanggang maipanalo niya ang kaso at makamit niya ang hustisya. Kung tutuusin ay higit na maigi pa ang kanyang naging karanasan dahil may tunay na nagmamalasakit na mga kababayang umalalay sa kanya.  Ngunit maging sa mga OFWs na hindi naging kasing palad niya, hindi rin imposible ang magandang pangako ng isang  bagong simula.

Sa mga bagong bayani natin na nagsasakripisyo nang lubos-lubos para sa kanilang iniwan na mga mahal sa buhay sa Pilipinas, isang matandang payo ang mainam din na maging magandang paalaala. Ngayong 2010, mabuting gawin nating panuntunan ang Kawikaan 3:5-6: Sa Diyos tayo magtiwala nang buong puso at lubusan at huwag tayong mananangan sa sarili nating karunungan.  Sangguniin natin ang Diyos sa lahat nating mga balak at gagabayan Niya tayo sa lahat ng ating lalakaran. 

Isang marubdob na hiling at panalangin ang ibinabahagi ko sa lahat ng Pilipino sa Hong Kong:  nawa'y maranasan ninyo at ng inyong buong pamilya ang isang pinagpalang bagong simula.  Maniwala nawa tayo na sa sama-sama nating pagkilos para sa pagtataguyod ng gobyernong malinis at matapat, may pag-asa pa ang isang maunlad na bagong Pilipinas na siyang babalikan ng mga manggagawang Pilipino na nakikipagsapalaran ngayon sa iba't ibang panig ng mundo. 

Posted on January 23, 2010

 

About JIL Hong Kong

The Blazed of revival reached the island of Hong Kong in May 1985. It was then that Bro. Eddie and Sis. Dory held a crusade in this land. Despite hindrances and oppositions,Bro. Eddie was unfazed and boldly preached the Gospel to Filipinos that converged in central. More...

Latest Gallery Updates

  • HK Pastors Encounter Retreat
  • Wanchai District Christmas Party
  • Area 2 Goes Trio Beach
  • Area 2 Leaders Christmas Party
  • Discovery Bay Photos